Di ko akalaing darating ang panahon na magiging musika sa aking pandinig ang tunog ng aking cellphone. Sa sa bawat "toot toot" nito ay para akong idinuduyan at gumagaan ang aking pakiramdam. Di ko rin sukat akalain na magiging tagapag gising ko sa umaga ang bawat " 1 message received sa aking cellphone. Dati rati ay kulang na lang ay magbasag ng mga plato at baso para ako magising sa umaga pero ngayon kahit na nasa pinakamahina ang volume level ng aking cellphone ay nagigising ako at naghahanda para sa isang napakagandang umaga hatid ng mensaheng laman ng telepono ko.
Dati rati ay takot akong magbasa ng messages sa roaming number ko dahil alam ko naman na ang parating nilalaman nito ay paghingi ng tulong (pera) mula sa pamilya ko at mga kamag anak sa Pilipinas. Ngayon ay hinahanap hanap ko sa bawat oras ang muling pagtunog ng ng roaming phone ko, at sa bawat pagtunog nito ay umaasa ako na galing sa iyo ang nilalaman ng bawat mensaheng matatangap ko.
Kung dati rati iniiwanan ko sa bahay ang roaming ko at di ko nga halos pansin sa pag uwi ko, ngayon naman ay halos di ko na maiwalay sa katawan ko ito.
Inaamin kong nagiging sanhi ng kaligayahan ko ang bawat mensaheng nababasa ko mula dito. Naiibsan ang mga pangungulila ko sa yo dahil sa cellphone ko.
Pero ngayon nagiging sanhi din ng kalungkutan ko ang bawat araw na hindi tumunog ito. Naghahatid din ng pangungulila kung di ako makatanggap ng mensahe mula sa iyo. Nagiging pighati ang mga bawat oras na umaasa ako na sa hindi magtatagal ay maisipan mong itext ako...
Pero kahit na ganito ay hindi ko ihihiwalay ang cellphone ko dahil patuloy na umaasa ako na maiisip mo ako at isang araw ay muling tutunog ito at maghahatid ng mensahe mula sa iyo...
Maghihintay ako... pati ang cellphone ko, sa kahit isang mensahe mula sa iyo mahal ko..
No comments:
Post a Comment