Talagang nakalulungkot ang trahedyang dinans ng ating mga kababayan nitong nakaraang araw. Kasabay ng "Bagyong Ondoy"(International Code Name : Ketsana) ay bumuhos ang napakalakas at walang patid na ulan sa kabuuan ng Metro Manila noong Sept. 26 na naging dahilan upang bumaha sa halos lahat ng panig ng kalakhang maynila.
As of 28 Sept. 2009, ayon sa National Disaster Coordinating Council o NDCC 73 katao ang namatay, 23 ang nawawala at marami pa ang sugatan dahil sa pagbaha. Umabot na rin halos sa 650, 000 ang naapektuhan ng kalamidad.
Karamihan sa mga sinalanta ay nagmula sa Marikina City, Pasig City, Rizal at mga kalapit na lalawigan nito. Ang higit na tinamaan ng baha ay ang marikina City, lalo na sa Provident Village, kung kaya hindi kataka taka na karamihan sa mga nasawi sa baha ay mula sa nabanggit na lugar.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Admi¬nistration (PAGASA) flood forecasting center, ang bumuhos na ulan kahapon ay katumbas ng halos dalawang linggong normal na pag-ulan. Nabatid pa na simula alas-otso hanggang alas-11:00 pa lamang ng umaga ay umabot na sa 112 millimeters ang volume ng bumuhos na ulan at sobra-sobra na umano ito para bumaha ang malaking bahagi ng Kalakhang Maynila. Bagama’t sunud-sunod ang bagyong pumasok sa teritoryo ng Pilipinas nitong nakalipas na tatlong linggo, ang pinagsama-sama nilang buhos ay naitala lamang sa sukat na 300 millimeters.
Marami sa ating mga kasamang OFW ang naapektuhan ng kalamidad, lalo na ang mga may pamilyang nakatira sa mga lugar na nabanggit. Hindi naman nagpapabaya ang mga samahan ng mga manggagawang pinoy dito sa Middle East at agad agad namang rumesponde para makatulong sa mga kababayang nasalanta. Ang iba ay nagpaabot ng personal na tulong sa mga kasamahan dito. Ang iba naman ay piniling tumulong sa ibang paraan tulad ng pagpapadala sa Sagip Kapamilya ng ABS CBN.
Talagang makikita mo ang bayanihan sa ating mga pinoy sa panahon ng kalamidad at pangangailangan. Hindi natin hinahayaang lumagpas ang chance na makatulong sa ating kapwa sa panahon ng unos. Makikita mo sa newspaper o TV na buhay na buhay ang diwa na nagbubuklod sa ating lahat.
Isa ang "diwa ng bayanihan" sa mga dahilan kung bakit masasabi nating masarap pa ring maging Pilipino. Oo nga't mahirap ang ating bansa at lubog sa utang, ngunit ang ugali at kultura nating mga pinoy na hinahangaan kahit saan man sa mundo ay isa sa mga bagay kung bakit dapat pa ring ipagmalaki ang pagiging isang Pilipino....
No comments:
Post a Comment